Sa pagdiriwang ng ika-80 taon ng College Editors Guild of the
Philippines (CEGP), mahalagang balikan ang kasaysayan nito upang
paghalawan ng insipirasyon at aral. Ang paggunita sa nakaraan ay
pagtingin din nang pagsulong.
Itinatag ang College Editors Guild (CEG) noong Hulyo 25, 1931,
mismong kaarawan ni Ernesto Rodriguez Jr., punong patnugot ng National,
publikasyon ng National University. Kabilang ang mga pahayagang
pangkampus Philippine Collegian (UP Diliman), Varsitarian (University of
Santo Tomas) at Guidon (Ateneo de Manila University), layunin nitong
pagkaisahin ang lahat ng manunulat pangkampus at linangin ang kanilang
kakayahan sa pamamahayag. Nahalal na unang tagapangulo si Wenceslao
Vinzons, punong patnugot ng Philippine Collegian.
Tradisyonal na organisasyon ang CEG noon. Eksklusibo ang kasapian sa
mga patnugutan ng mga publikasyon. Abala ito sa mga journalism
trainings, intercollegiate pageants, relief operations sa mga nasalanta
ng kalamidad.
Gayunman, sa maagang bahagi pa lamang ng kasaysayan, makikita na ang
potensyal na papel nito sa lipunan. Noong Disyembre 9, 1932, sa
pangunguna ni Rodriquez at Vinzons, tinutulan ng mga kabataang manunulat
ang panukalang dagdagan ang sweldo ng mga mambabatas sa mababang
kapulungan.
Mabilis na lumawak ang kasapian ng CEG. Kinilala ito bilang isa sa
mga pinakaprestihiyosong organisasyon ng kabataan. Nagsilbi itong
tuntungan ng mga kabataang nagnanais makilala sa larangan ng politika at
pamamahayag.
Noong 1941, pansamantalang tumigil ang operasyon ng Guild dulot ng
Ikalawang Gyerang Mundyal. Si Vinzons ay sumapi sa HUKBALAHAP at namatay
na bayani.
Nanumbalik ang CEGP pagkatapos ng giyera. Naitala noong 1948 ang
pakikiisa ng Guild sa mga mamamahayag sa mainstream media. Sinuportahan
ng manunulat pangkampus ang strike ng mga empleyado ng Evening News
bilang protesta sa pagpapatalsik kay Cipriano Cid at panawagang
kilalanin ang Philippine Newspapers Guild.
Pagsapit ng dekada singkwenta, malaki ang naging impluwensya ng
makabayang ideya ni Claro M. Recto sa maraming kabataan. Pagsapit ng
dekada sisenta, bunsod ng matinding krisis pampolitika at pang-ekonomiya
sa panahon ni Marcos at ng lumalakas na kilusang kabataang estrudyante,
nagkaroon ng malaking puwang ang progresibong ideya sa loob ng
organisasyon.Hindi naging banayad ang transpormasyon ng CEGP mula sa
isang tradisyonal na organisasyon patungo sa pagiging progresibo. Sa
katunayan, naging maigting ang pagtatalo sa hanay ng kasapian.
“Mananatili bang nyutral ang pamamahayag pangkampus sa
panahon ng maigting na paglaban ng mamamayan? Mananatili bang
tagapagtala na lamang ng kasaysayan ang mga manunulat o kailangan nang
pumanig at makilahok? Ano ang papel ng kabataang mamamahayag sa
lipunan?” Sa mga katanungang ito uminog ang debate.
Pagsapit ng 1970, lalong tumitimbang ang progresibong oryentasyon ng
Guild. Dumaluyong ang kilos protesta sa lansangan. Maraming manunulat
pangkampus ang lumahok ang nagpakilos sa mga malakihang mobilisasyon sa
panahon ng First Quarter Storm. Hindi iilang Guilders ang naging kasapi
ng Kabataang Makabayan.
Tumining ang papel ng pamamahayag pangkampus bilang alternatibong
pamamahayag para sa mamamayan. Sa panahon ng paghahari ng crony press,
maraming publikasyong pang-estudyante ang nagpapalaganap ng katotohanan
sa labas ng kani-kanilang pamantasan. Ang kabulukan ng gobyernong Marcos
na hindi nababasa sa mainstream ay isiniwalat ng mga pahayagang
pangkampus. Dahil dito, binansagan ni Marcos na mosquito press ang mga
publikasyon.
Naglathala rin ng mga rebolusyonaryong artikulo ang mga publikasyong
pang-estudyante. Unang lumabas ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino sa
Philippine Collegian. Nagre-reprint ng mga artikulo mula sa Ang Bayan,
opisyal na pahayagan ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang The Bedan
(San Beda College), Guidon, Philippine Collegian, Ang Malaya, at iba pa.
Sa Visayas, inilathala ang mga sulatin ni Jose Maria Sison, Renato
Constantino Sr., Gary Olivar (lider ng Samahan ng Demokratikong
Kabataan) sa Weekly Silimanian (Siliman University), Weekly Carolinian
(University of San Carlos), Sambayanan (Western Institute of
Technology), Quill (Southwestern University) at marami pang iba.
Sa pagkakahalal ni Antonio Tagamolila bilang pambansang tagapangulo
noong 1971, buong pagmamalaki niyang ipinahayag, “Ang pagkakapanalo ng
mga progresibo ay magbubunsod ng isang bago, mulat matatag at
militanteng CEGP.”
Tuluy-tuloy na ang naging pagkiling ng CEGP sa isyu ng mamamayan.
Hindi lamang isyu ng kalayaan sa pamamahayag ang itinaguyod ng Guild
bagkus pati patriyotiko at demokratikong interes ng malawak na
mamamamayan. Kinondena ang pagpapapain ni Marcos ng mga sundalong
Pilipino sa giyera sa Byetnam. Tinutulan ang pakanang Constitutional
Convention ni Marcos. Nilabanan ang pandarahas sa mga piketlayn at
militarisasyon sa kanayunan.
Masigla ang paglulunsad ng teaching o study circles, social
investigation at pakikipamuhay sa mga magsasaka at manggagawa. Sa
ganitong konteksto, inangkin ng mga kasapi ng CEGP ang pakikibaka ng mga
aping sector ng lipunan.
Nang ipataw ang Batas Militar, idineklarang ilegal ang CEGP.
Naipasara ang halos lahat ng publikasyon sa kampus. Sa militanteng
paglaban ng kabataang estudyante, nabuksang muli ang Philippine
Collegian, Guidon at UPLB Perspective (UP Los Baños). Sumailalim ang mga
ito sa pagmamatyag ng militar.
Sa panahon ding ito, nagsulputan ang mga underground student
publications sa buong bansa. Naging tangyag ang pasa-bilis. Palihim na
binabasa at pinagpapasa-pasahan ang limitadong kopya ng mga publikasyong
naka-mimeographed. Matapang na tinuligsa ng mga ito ang lagim ng Batas
Militar.
Maraming manunulat pangkampus ang dinampot, ikinulong, tinortyur at
pinaslang. Kabilang sa kanila sina Liliosa Hilao at Ditto Sarmiento. Sa
lantarang pasistang paghahari ni Marcos, marami ring nagtungo sa
kanayunan upang lumahok sa armadong pakikibaka. Ilan sa kanila sina
Emmanuel Lacaba (Guidon), Evelyn Pacheco (Torch, PNU) at Lorena Barros
(Advocate, FEU.)
Sa ikalawang bahagi ng dekada sitenta, muling sumigla ang ligal na
pakikibakang masa sa pangunguna ng uring manggagawa. Pumutok ang La
Tondeña strike na sinundan ng serye ng welga, boykot at protestang
lansangan.
Naging inspirasyon ito sa muling pagtatatag ng CEGP. Itinayo ang
Mendiola Association of College Editors (MACE) na nagpasimuno ng First
Metro Manila Student Press Congress. Sa sumunod na mga buwan, tumugon
din nang buong sigasig ang ibang mga rehiyon sa buong kapuluan. Naganap
ito mula 1977 hanggang mailunsad ang 16th National Congress na dinaluhan
ng 125 patnugot mula sa 43 publikasyon noong Mayo 1981. Ang tagumpay ng
ito ay bunga ng walang humpay na pag-oorganisa sa hanay ng manunulat
pangkampus.
Ibayo ring sumigla ang kilusang kabataang estudyante. Puspusang
itinaguyod ang mga lehitimong kahilingan ng estudyante. Pinamunuan ng
CEGP, kasama ang Youth for National Democracy (YND) at Alyansa Laban sa
Pagtaas ng Matrikula (League of Filipino Students ngayon), ang kampanya
sa pagpapabukas ng mga pahayagang pangkampus at konseho ng mga mag-aaral
at pagtatanggal ng military detachments sa mga kampus.
Tinaguriang Democratic Reform Movement ang pagkilos na ito. Sa mga
punong lungsod at lalawigan, kumilos ang mahigit sa 200,000 kabataan.
Hindi natinag ang mga estudyante kahit pa karahasan ang isinagot ng
gobyerno.
Ilang buwang walang pasok dahil nasa lansangan ang mga estudyante.
Napilitan ang gobyernong harapin ang isyu at kilalanin ang mga
lehitimong panawagan ng kabataan. Dumagundong ang tagumpay na ito sa
buong kapuluuan. Napatunayang sa kolektibong pagkilos at paggigiit ng
demokratikong karapatan, makakamtan ang mga makatarungang kahilingan ng
kabataan at mamamayan.
Mariin ding kinondena ng CEGP ang mga atake sa kalayaan sa
pamamahayag. Ilan dito ay ang pagkakasara ng We Forum at pag-aresto sa
mga mamamahayag nito na karamihan ay alumni ng Guild; ang pag-uusisa ng
National Intelligence Board sa manunulat ng Women; ang pagpapatalsik sa
patnugot ng Tempo na si Recah Trinidad; mga kasong libelo laban kay
Domini Suarez at Ceres Doyo at pag-aresto kay Tony Nieva ng Bulletin
Today.
Matindi rin ang panunupil sa mga pahayagang pangkampus. Tatlong ulit
na niloob ang opisina ng UPCB Outcrop. Binisita ng militar ang tanggapan
ng The Work ng Tarlac State College of Technology. Pinatalsik ang mga
patnugot ng Collegian ng Central Luzon State University sa rekomendasyon
ng militar na nakabase sa Nueva Ecija.
Pagsapit ng 1983, ibayong militansya ang ipinamalas ng kabataan mula
nang paslangin si Ninoy Aquino hanggang sa pagbagsak ng diktaduryang
Marcos.
Ang pag-aalsa noong 1986 ay nagluklok kay Corazon Aguino bilang
bagong pangulo. Tiningnan si Aquino bilang isang pinunong liberal
burges. Nalunod sa makitid na demokratikong puwang at nabulid sa
pagtataguyod ng reporma ang maraming progresibong organisasyon, kabilang
na ang CEGP.
Nanawagan ang CEGP sa pagpapatupad ng isang batas na umano’y
magtataguyod ng kapakanan ng mga pahayagang pangkampus. Pinuri ang
Republic Act 7079 o Campus Journalism Act bilang “milestone in the
history of the campus press.”
Kabaligtaran ang naganap sa aktwal. Naging epektibong instrumento ang
CJA ng mga kaaway ng kalayaan sa pamamahayag sa pagsupil sa mga
pahayagang pangkampus. Matapos ilabas ang implementing guidelines,
naipasara ang Quezonian, White and Blue, Ang Pamantasan, Blue and
Silver, at iba pa. Kung susundin ang probisyong nagsasaad na hindi
mandatory ang pangongolekta ng publication fee, maipapasara ang halos
lahat ng publikasyon kung nanaisin ng administrasyon ng mga pamantasan.
Nakaligtaan ng CEGP ang mga aral ng DRM. Ang kalayaan sa pamamahayag
ay isang demokratikong karapatan. Iginigiit ito at ipinaglalaban, hindi
ikinukupot sa batas.
Iwinasto ang kamaliang ito sa 1996 National Council Meeting. Dito rin
nabuo ang tatlong makatwirang panawagan ng CEGP: (1) Buksan ang lahat
ng nakasaradong pahayagan; (2) Magtatag ng mga publikasyon sa mga
pamantasan; at (3) Wakasan ang lahat ng porma ng panunupil sa kalayaan
sa pamamahayag.
Bukod sa CJA of 1991, may isa pang malubhang pagkakamali ang CEGP
noong 1991. mula sa patriotiko at demokratikong oryentasyon ng Guild,
binago ito sa pagiging Activist Campus Press. Ang ACP raw ay tinipong
mga konsepto at oryentasyon – responsible journalism, radical campus
press, alternative campus press, committed campus press. Layunin daw ng
ACP na hanapin ng pamamahayag pangkampus ang kanyang sarili bago ito
makapag-ambag sa pagbabago ng lipunan. Ipinagkamali nitong maaaring
makamtan ang tunay at ganap na kalayaan sa konteksto ng bulok na
sisteman panlipunan.
Paglaon nakitang mali ang mismong paghahanap ng bagong oryentasyon.
Nasagot na ang mga batayang tanong hinggil sa tamang ugnayan ng
pamamahayag pangkampus sa lipunan noon pa lamang 1970.
Nang mailatag nang lubusan ang mga naging kahinaan, puspusan din
naman ang naging pagwawasto ng Guild. Nagpanibagong sigla ito sa lahat
ng aspeto. Sa ilalim ng gobyerno ni Ramos, aktibo ang CEGP sa paglahok
sa mga isyu ng mamamayan. Tinugunan nito mula pagtaas ng matrikula
hanggang pagtaas ng presyo ng langis, hanggang dikta ng IMF-Work Bank sa
patakarang pang-ekonomiya ng Pilipinas. Samakatuwid, muli nitong
isinabuhay ang patriyotiko at demokratikong oryentasyon.
Ang pinakahuling matagumpay na kampayang sinuong ng Guild ay ang
pagpapatalsik sa korap, kontra-mamamayan at kaaway ng kalayaan sa
pamamahayag na si Joseph Estrada. Isa ang CEGP sa mga unang progresibong
organisasyong nanawagan ng pagpapatalsik kay Estrada.
Sa tagal nang itinagal ng CEGP, itinuturing na itong institusyon ng
marami. Nananatili itong isa sa mga pinakamalawak at pinakamatatag na
organisasyon ng kabataan sa bansa. Magpahanggang ngayon, hindi pa rin
ito natitinag dahil sa pagyakap nito sa patriyotiko at demokratikong
interes ng kabataan at mamamayan. Lagi’t lagi itong matatagpuan sa
pakikibaka ng mamamayan sapagkat paglilingkod ang nasa ubod ng nakaraan
at kasalukuyan ng CEGP.
http://www.cegp.org/about/history/